WebClick Tracer

LIFESTYLE

Kabataang Laguna, Bagong Mata at Tenga ng Bayan

ABANTE TONITE

Mga bata na naglalaro at gumuguhit sa loob ng World Vision Child-Friendly Space (CFS) matapos ang kalamidad.

Sa panahon ngayon kung kailan mabilis kumalat ang impormasyon — at maging maling impormasyon — mahalagang mas maagang nahuhubog ang kabataan sa tamang paggamit ng media at social media.

Kaya saludo ako sa inisyatiba ni Laguna Gov. Sol Aragones sa paglulunsad ng Laguna Youth Patrollers, isang programang naglalayong gawing mas aktibo, responsable, at mapanuri ang mga kabataan pagdating sa paghahatid ng impormasyon sa kanilang komunidad.

Hindi biro ang halos 5,000 youth participants na nakiisa sa naturang programa. Patunay lang ito na marami pa ring kabataan ang gustong maging bahagi ng pagbabago at serbisyo publiko.

Karangalan para sa akin na maging isa sa mga speaker sa naturang event kasama ang mga respetadong mamamahayag na sina Abner Mercado, Doland Castro, at Michael Delizo. Maging si Gov. Sol mismo ay naglaan ng oras para magbahagi ng kaalaman sa mga kabataan.

Sa aking lecture, ibinahagi ko rin kung paano naging mahalaga ang citizen journalism noong kasagsagan ng pandemya. Sa pamamagitan ng mga FB newscast na sinimulan namin noon gaya ng Balitang ATM at Balitang Tanzeño, naging katuwang namin ang mga ordinaryong residente at campus journalists sa paghahatid ng balita at impormasyon sa kani-kanilang lugar.

Dito ko mas nakita na hindi kailangang nasa malaking newsroom ka agad para makatulong. Kung may cellphone, internet, at malasakit ka sa komunidad — maaari kang maging instrumento ng impormasyon.

Nakatataba rin ng puso na makita sa event na marami sa mga campus journalist na minsan kong sinanay sa Radio at TV Broadcasting ang naroon at aktibong lumahok. Mas espesyal pa dahil ang napili ni Gov. Sol sa on-the-spot reporting contest ay si Adrian Amador ng Lumban — isa rin sa naging trainees ko nitong nagdaang presscon season.

Pero higit sa journalism, maganda rin ang layunin ng programa dahil hindi lang problema ng komunidad ang gustong maiparating ng mga kabataan. Layunin din nitong maipakita ang ganda ng Laguna — mula sa mga tourist spot, delicacies, kultura, at iba pang maipagmamalaki ng lalawigan.

Ang sa akin lang, mahalagang paalala ito na ang kabataan ay hindi lang future leaders — maaari rin silang maging present-day storytellers, watchdogs, at boses ng kanilang komunidad.

At sa tamang paggabay, sila rin ang maaaring maging susunod na mukha ng pamamahayag.