Hindi katanggap-tanggap na isarado agad ng Ombudsman ang posisyon nito sa ginawang pagbabago ng isang testigo dahil sa katuwirang “Recantation is not an eraser”.
Ang isyung ito ay kaugnay ng ginawang pagbawi ni Orly Guteza sa nauna nitong affidavit tungkol sa mga pagdedeliber nito ng pera kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kanyang muling paglutang, iginiit ni Guteza na ang kanyang unang affidavit ay inihanda at ipinilit lamang sa kanya. Pinangalanan din ni Guteza na sa sina Cong. Mike Defensor at Sen. Rodante Marcoleta ang nasa likod ng kanyang unang affidavit.
Sa kanyang bagong pahayag, itinatama ni Guteza ang kasinungalingan na una niyang binitiwan. Pero tila sarado na si Ombudsman Boying Remulla at paulit-ulit na sinasabing “recantation is not an eraser.”
Pero hindi bat dapat ding pakinggan ng Ombudsman ang pagtatama na ginawa ni Guteza.
Ang hirit ng kampo ni Romualdez, pagtabihin ang una at ikalawang salaysay ni Guteza. Pagkumparahin at suriin. Aralin muna kung ano ang tunay na bersyon. Alamin din kung alin sa dalawang bersyon ng affidavit ang suportado ng mga ebidensya at alin ang gawa-gawa lamang para makapanira.
Kahit si Assistant Ombudsman Mico Clavano ay nagsabing ang recantation ay maaaring maging additional evidence. Maaaring pagkumparahin ang una at ikalawang salaysay upang malaman kung alin ang totoo.
Iyan din ang hinihingi ng supplemental filing. Pero mukhang hindi interesado ang Ombudsman sa supplemental filing. Bakit maagang tinuldukan? Bakit sarado na agad ang mga posibilidad?
Kung additional evidence ang recantation, hindi ito dapat ituring na isang panggulo o istorbo. Kailangan ito maikumpara sa unang affidavit. Kung may conflict, dapat arukin kung saan nanggaling ang banggaan at alin ang may independent support.
Kung ating matatandaan, bago pa man binawi ni Guteza ang kanyang unang testimonya ay marami nang iregularidad. Unang-una na ay ang notaryo. Sinabi ng abogadong nakalagay bilang nag-notaryo na wala siyang alam at hindi siya ang nag-notaryo sa affidavit ni Guteza.
Sumunod dito, noong Oktubre 2025 ay itinuring ng executive judge ng Manila RTC Branch 18 na “falsified” ang affidavit matapos ang NBI signature examination.
At ngayon nga ay lumutang si Guteza at pinabulaanan ang nilalaman ng kanyang unang testimonya. Pinaratangan pa nito sina Marcoleta at Defensor na siyang nasa likod ng iskrip.
Pero hindi lamang naman si Guteza ang puwedeng magpatibay sa kuwento dahil ang mga taong kanyang pinangalanan ay nagsumite na rin ng mga salaysay at pinabulaanan ang pagdedeliber ng mga pera.
Nagkakatugma na ang mga pahayag pero bakit nagbibingi-bingihan ? Hindi ba dapat ay mag-imbestiga muna sa halip na kontrahin agad ang mga bagong kaganapan?
Kung naghahanap tayo ng katotohanan, lahat ay dapat pakinggan. Lahat ay dapat imbestigahan.
Sa isyung nagkabayaran kaya nagkakabaligtaran, aba seryosong alegasyon ‘yan at dapat talagang imbestigahan at talupan. Sino ang nagbayad? Kailan nagkabayaran? Kapag napatunayang may nangyaring bayaran, isa itong malaking kaso na kailangan may managot.
Hindi natin dapat hayaang tinatapalan ng pera ang katotohanan. Dahil kung hahayaan natin ito, walang totoong hustisyang mananaig.
Huwag munang tuldukan ang mga posibilidad. Malalimang imbestigasyon ang hinihintay ng publiko.











