Muling tinamaan ng malawakang pagkasawi ng mga isda ang bahagi ng Laguna de Bay sa Jala-Jala, Rizal na nakaapekto sa tinatayang 34 fish cage o 6.4 ektarya ng palaisdaan.
Ayon sa report ng samahan ng mga fish cage owners, daan-daang isda gaya ng tilapia, kanduli, bighead, bangus at palos, pati mga fingerlings, ang nagsilutangan, na ayon sa mga fish cage owner ay nagsimula noong Huwebes at nagpapatuloy hanggang ngayon.
Malaking dagok ito sa mga mangingisda na hindi pa umano tuluyang nakakabawi mula sa naitala ring fishkill noong Hulyo, kaya nananawagan sila sa pamahalaan na agad matukoy ang sanhi at matulungan silang makabangon sa pagkalugi.
Sinusuri na ng BFAR ang mga nakuhang isda at tubig sa apektadong bahagi, habang nauna nang sinabi ng LLDA na kailangan ang masusing evaluation dahil nakararanas ng malawakang algal bloom ang Laguna de Bay na maaaring lumala dahil sa malakas na pag-ulan.
Paalala naman sa publiko, huwag kainin o bilhin ang mga isdang lumulutang sa lawa, dahil maaari itong makontamina ng bacteria habang nabubulok. (Ronilo Dagos)










