Nakipagtulungan si Dingdong Dantes kay Atom Araullo at sa mga kasama nito upang makabuo ng isang mobile app na maaaring magamit tuwing may mga kalamidad.
Makatutulong ito upang matukoy kung saan may nangangailangan ng saklolo, anong ahensiya ang agad na makakatugon, at gawing sistematiko ang disaster response.
Proud na ibinida ng aktor ang LyfSaver, isang app na makatutulong upang pagdugtungin ang pagtutulungan ng mamamayan at ng government agencies tuwing may kalamidad, sa kanyang social media post nitong Setyembre 1.
“Last week, masaya kami na formally nang na-launch ang LyfSaver sa Quezon City, under the proactive and future-forward leadership of Mayor Joy Belmonte.
“Ang goal ng LyfSaver platform ay simple: to connect information, government response, and community action,” pahayag ni Dingdong.
Naniniwala umano si Dingdong na malaking parte ang ginagawa at magagawa ng mga mamamayan kung sama-samang kikilos sa panahon ng kalamidad.
“Sa isang bansang tulad ng Pilipinas, kung saan bahagi na ng reality natin ang mga bagyo, baha, lindol, at iba pang sakuna, napakahalaga ng role ng community. Madalas, bago pa makarating ang tulong mula sa labas, kapwa mamamayan din natin ang unang nariyan,” aniya pa.
“Pero nakita ko rin ang reality ng volunteer work. Nakasalalay ito sa oras, lakas, resources, at availability ng bawat isa. Kahit maraming gustong tumulong, hindi palaging madaling malaman kung saan sila kailangan, ano ang kailangan, at paano sila makakatulong nang maayos at organized,” paliwanag pa ng aktor.
Naging topic ito nina Dingdong at ng kaibigan niyang reporter na si Atom sa kanilang kuwentuhan.
“Noong nagkukuwentuhan kami nina Atom at Voltaire tungkol sa mga pangarap namin para sa mas ligtas at mas handang mga komunidad, nakita ko kung gaano ka-swak ang vision namin. Ang konsepto nila para sa LyfSaver ay swak sa isang vision na matagal ko na ring dala mula sa mga taon ko bilang volunteer: gamitin ang technology para gawing mas systematic at sustainable ang participation ng mga mamamayan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna,” kuwento pa ni Dingdong
“Government has the authority, resources, and response mechanisms. Technology gives us scale and speed. Civil society brings networks and trust. Communities have hyperlocal knowledge, sila ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari sa ground. And volunteers bring the manpower and, more importantly, the willingness and compassion to help.
“Ang trabaho ng LyfSaver ay pagdugtungin silang lahat,” paliwanag pa ng akto. (Jun Lopez)











