Hindi umano nagustuhan ng aktor na si Kelvin Miranda ang pagsita sa kanya ng isang parking guard sa Taguig City kamakailan. Naging maangas umano ito sa kanya kahit nagpapakumbaba na siya kaya nauwi ito sa sagutan, pero sa huli ay naayos rin naman.
Nasita kasi ang aktor dahil sa illegal parking at pinagmulta ng P5K, ngunit hindi niya nagustuhan ang paraan ng pagsita nito.
“Apologetic po ako eh nu’ng nag-approach ‘yung tao,” paliwanag ni Kelvin sa Teletabloid ng Abante News Channel. Eksklusibong panayam ito ni Roldan Castro sa presscon ng pelikula ng una na pinamagatang “Poon”.
“Dire-diretso, ang taas, ‘yun po,” kaya naman umano nagkaroon sila ng mainitang sagutan.
Kung na-brief naman daw kasi siya sa tamang lugar ng parking ay susunod naman siya dito.
Pero, wala nga raw siyang alam na bawal doon.
Sobrang traffic pa nga raw noong araw na iyon at late na siya sa recording kaya nang makakita na siya ng open space ay doon na siya nag-park.
“Hindi naman po siya literal na away,” paglilinaw pa niya.
Para sa aktor, maiiwasan sana ang sagutan na iyon kung naging mahinahon ang bawat panig.
“Kapag nagpapakumbaba tayo as a person, ibinababa natin ‘yung pride natin, ‘yung ego natin, natural siyang nangyayari.
“It’s a human error,” paliwanag pa ng aktor.
Nilinaw rin niyang wala siyang susunduin noon dahil may recording siya sa naturang lugar. Sa huli, nagkapasensiyahan naman ang magkabilang panig.
Nagsilbing aral tuloy sa aktor ang insidenteng iyon.
“Lesson learned na lang. Kahit walang briefing, matuto tayong magtanong,” ayon pa kay Kelvin. (Jun Lopez)











