Walang pag-aalinlangang siniwalat ni Maika Angela Ortiz, na para sa kanya ay si Alyssa Valdez ang maituturing na “Greatest Of All Time” o GOAT ng Philippine volleyball.
Sa programang “NetFlicks” ng Abante noong Martes, Oktubre 13, ipinahayag ng dating ZUZ Coffee middle blocker na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang ambag ng Creamline team skipper sa volleyball community.
“Kung GOAT ang usapan, si Alyssa (Valdez) talaga. Siya talaga ‘yung ‘pag tinanong ang mga tao, sinong kilala mong volleyball player? Alyssa Valdez ang laging sinasagot. Hanggang ngayon siya talaga,” anang manlalarong kareretiro pa lang sa Premier Volleyball League sa nakaraang buwan.
Binunyag din ng 35-anyos, 5-10 ang taas, tubong Solano, Nueva Vizcaya at produkto ng University of Santo Tomas, na ang anterior cruciate ligament (ACL) injury noong 2019 ang pangunahing humikayat sa kanya na magbabu na sa mahal na sport sa taong ito.
Sa 15 taong career sa collegiate at pro, nakapaglingkod din si Ortiz sa national team noong 2015-18. Nag-Southeast Asian Games siya noong 2015, 2017 at 2017 Asian Championship at 2018 AVC Cup
Bukod sa Thunderbelles, nakapagsuot din siya ng mga jersey ng Air Force, Foton Tornadoes, Cherry Tiggo Crossovers, at Choco Mucho Flying Titans. Santambak din ang kanyang mga kampeonato, podium finish at mga individual award.
Mapapanood ang buong tsikahan kay Maika sa “NetFlicks” channel ng Abante News TV. Gayundin sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, sa official YouTube channel at Facebook page ng DWAR Abante Radyo 1494. (Issa Santiago)











