Inahon ni Rey Adrian Remogat ang University of the Philippines mula sa 13 puntos na pagkakabaon kontra Adamson University para maipuslit ang 69-67, at makisalo sa liderato ng 89th UAAP Men’s Basketball Tournament 1st elims sa Big Dome nitong Miyerkoles, Okt. 14.
Ibinuhos ni Remogat ang krusyal na dalawang tres sa final quarter sa kanyang kabuuang 14 puntos, na sinahugan pa ng 2 rebounds, 6 assists, 1 steal, upang pasimulan ang pag-ahon at tuluyang pagkapit sa abante sa natitirang tatlong minuto para sa ikaapat panalo sa anim na laro.
“Siguro ang composure namin. Medyo nawala kami sa kalagitnaan kaya lumayo sa amin ang laro. Sinabihan lang kami ng mga coach naming na dapat kung ano ang ginawa naming sa first quarter, iyun din ang gawin namin sa huli,” litanya ni Remogat.
“Malaki ang tiwala ko sa team namin at mga teammate ko. Hanggang hindi nagba-buzzer, hindi kami dapat tumigil. Tiwala ako sa kanila at saka tiwala ako kay Lord na gumagabay sa amin,” dugtong pa ng basketbolista.
Binuhos ng Fighting Maroons ang 24-7 atake sa last period upang makaahon sa 13 puntos na paghahabol sa third quarter bago tuluyang inagaw ang laban kontra sa Soaring Falcons na bagsak sa 3-3.
Tumulong para sa UP si Dikachi Ududo na may 13 pts., 6 rebs., 2 asts, 3 stls. habang si Veejay Pre ay may 11 puntos, 10 board, 1 feed. Nag-ambag pa si Miguel Yniguez ng 11 puntos.
Naging pabuenas sa Diliman-based squad si NBA legend Dwyane Wade na nasa 2-day visit sa bansa, at saglit na nagsilbing game commentator.
“If there’s one thing we have yet to see from our team, it’s being focused on all four quarters,” suma ni UP assistant coach Christian Luanzon. “Right now, we’re playing in spurts. Just like this game, we played very well the first five minutes and led as much as 11 but the next 15 minutes wala. During halftime, medyo may mga narinig sila kay Coach Gold (Mnteverde) na hindi kanais-nais. What’s important is how they responded.” (Lito Oredo)











