WebClick Tracer

Robert Bolick, Deonte Burton ragasa sa magkabila ng court

ABANTE TONITE

May dapat ikabahala ang ibang teams sa NLEX, lalo kina Robert Bolick at Deonte Burton.

Gumagana sa magkabilang dulo ng court ang dalawa, hindi lang sa scoring kundi sa pag-se-set up ng mga kakampi.

Patunay dito ang halos triple-double na 21 points, 9 rebounds, 7 assists ni Burton na sinahugan pa ng 3 steals at 3 blocks para ihatid ang Road Warriors sa 147-115 panalo laban sa Titan Ultra sa Ninoy Aquino Stadium nitong Miyerkoles ng gabi, Oct. 14.

Bumak-ap si Bolick ng 7 of 10 shooting tungo sa 20 points, 5 rebounds, 8 assists. Hindi nagpahuli sina Kevin Alas sa 19 markers at LJ Gonzales na may 17, may 16 pa si Rob Herndon.

Malamig pa ang umpisa ng Road Warriors na naghabol mula 39-26 deficit bago inagaw ang panalo tungo sa 9-2 card sa PBA 50 Governors Cup.

Selyado ng NLEX ang top spot sa Group A, pangungunahan ang top four teams ng bracket na aabante sa crossover quarterfinals.

Nabalaho pa sa 2-9 ang Giant Risers na napagsarhan na sa playoffs.

Tabla pa ang laro 65-65 sa halftime bago humarurot sa third quarter ang Road Warrios, inari ang period 37-14 sa likod ng tig-11 nina Burton at Gonzales para ilayo 102-79 papasok ng fourth. Hindi na nakapalag ang Giant Risers.

Krusyal sa standings ang magiging huling laro ng NLEX sa eliminations laban sa San Miguel sa Oct. 21. Nasa likod lang ng Road Warriors ang 8-3 Beermen na 135-105 winner sa Terrafirma sa first game.

Ookupahan ng mananalo ang No. 1 spot sa Group A, haharapin ang No. 4 sa Group B sa next round.

Tambak ang Titan sa kabila ng season-high at second career-best 33 points ni Joshua Munzon at 29 ni Tirrell Brown.

Iskor

NLEX 147 – Burton 21, Bolick 20, Alas 19, Gonzales 17, Herndon 16, Torres 12, Winston 9, Semerad 9, Valdez 6, Rodger 6, Marcelo 4, Bahio 3, Capulong 3, Gamboa 2, Nieto 0, Racal 0.

Titan 115 – Munzon 33, Brown 29, Dionisio 16, Javillonar 9, Yu 7, Garcia 6, Iñigo 6, Caralipio 3, Omega 2, Amores 2, Ular 2, Pessumal 0, Wong 0, Deles 0.

Quarters: 22-27, 65-65, 102-79, 147-115. (Vladi Eduarte)