WebClick Tracer

METRO

Tenant walang pambayad, landlord nilooban

ABANTE TONITE

Arestado ang isang 24-anyos na construction worker matapos umanong pagnakawan ang kanyang landlord sa Brgy. Greater Fairview, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) actin­g director Police Briga­dier General Christopher Olazo ang suspek sa alyas na Vic, residente sa nasabing barangay.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Glenn Siguan, hepe ng Fairview Police Station, natuklasan ng biktima hapon noong Oktubre 13 na sapilitang binuksan ang kandado ng pinto ng kanyang bahay kaya agad niyang iniulat ang insidente sa pulisya.

Sa imbestigasyon, sinabi ng isang saksi na nakita nitong mabilis na lumabas ng bahay ang tenant. Naaresto ang suspek sa inuupahan nitong bahay alas-2:30 ng hapon sa isinagawang follow-up operation. Narekober sa kanya ang isang Huawei tablet, coin purse, at ilang IDs habang nawawala pa ang isang Vivo cellphone na nagkakahalaga ng P12,000. Inihahanda na ang kasong theft laban sa suspek.

Hinala ng pulisya, posibleng may kinalaman sa kawalan ng pambayad sa renta ang umano’y pagnanakaw. (Dolly Cabreza)