Hindi na puwedeng humingi ng dagdag na 20% senior citizen discount kung nakatanggap na ng parehong diskuwento sa promo o negotiated rate, ayon sa Supreme Court (SC).
Sa desisyon ng SC En Banc nitong Oktubre 14, pinawalang-sala si Orville U. Ong, general manager ng isang hotel sa Bacolod, sa kasong paglabag sa Senior Citizens Act.
Kinasuhan si Ong dahil sa umano’y pagtangging magbigay ng senior discount kina Atty. Paul S. Alcazaren, 66, at Eric Gadiana, 70.
Depensa ni Ong, nabawasan na ng 20% ang room rate na napagkasunduan ng hotel at Cebu Bikers Club, kung saan miyembro ang dalawang senior citizen. Hindi na ito hiwalay na nakasaad sa resibo dahil binawas na sa kabuuang bayarin.
Una nang hinatulan ng guilty si Ong ng Municipal Trial Court, Regional Trial Court at Court of Appeals bago binaligtad ng SC ang mga desisyon.
Paliwanag ng SC, hindi maaaring pagsabayin ang senior citizen discount at iba pang diskuwento. Kung may promotional price, maaaring piliin ng senior citizen kung alin sa promo o 20% discount ang mas makakatipid siya.
Binigyang-diin ng korte na kailangang protektahan ang mga senior citizen nang hindi nagpapataw ng hindi makatarungang pasanin sa mga negosyo. (Prince Golez)











