WebClick Tracer

OPINION

Baguio may bagong alaala

ABANTE TONITE

Mga bata na naglalaro at gumuguhit sa loob ng World Vision Child-Friendly Space (CFS) matapos ang kalamidad.

Di ko na mabilang kung ilang beses na akong nakarating sa Baguio City. Nitong nakaraang linggo lang ay nasa City of Pines din ako kasama ang ilang kaibigan. Pero iba ang naging kahulugan ng pagbabalik ko nitong weekend.

Muli akong naimbitahang maging speaker sa 30th Word Cup PH National Journalism Conference and Contest, kung saan nag-lecture ako tungkol sa newswriting sa humigit-kumulang 200 participants mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Nakakatuwang makaharap ang mga estudyante at gurong sabik matuto tungkol sa pamamahayag. Sa mahigit dalawang dekada ko sa media, isa sa mga nagbibigay sa akin ng fulfillment ay ang maibahagi sa susunod na henerasyon ang mga kaalamang natutuhan ko sa newsroom.

Masaya rin ako dahil nabigyan ng pagkakataon ang EERE TAYO! A Practical Workbook for Journalism, Broadcasting, and Digital Media na maipakilala sa mga kalahok. Maraming salamat sa organizers ng Word Cup PH sa tiwala at suporta sa adbokasiyang isinusulong ng workbook—ang pagsusulong ng tumpak, patas, at responsableng pamamahayag.

Pero sa likod ng saya, may kurot din sa puso.

Noong nakaraang taon, nang mag-talk ako sa Baguio, kasama ko pa si Mommy. Ngayon, wala na siya. May mga lugar palang kahit ilang beses mo nang napuntahan, iba pa rin ang pakiramdam kapag bumalik ka at may isang taong hindi na kasama.

Buti na lang at kasama ko sina Tita Wena, ang bunsong kapatid ni Mommy, at si Lira, ang aming househelp. Pagkatapos ng engagement, nagawa rin naming mamasyal sa ilang tourist spots sa lungsod, kaya naging mas memorable ang maikling biyahe.

Ang sa akin lang, puwedeng sabay ang saya at lungkot. Puwede kang magpatuloy sa mga bagay na mahal mo habang dala-dala ang pangungulila sa taong mahalaga sa iyo.

Sa Baguio, nakapagbahagi ako ng kaalaman, naipakilala ang aking adbokasiya, at nakabuo ng panibagong alaala. At kahit wala na si Mommy sa tabi ko, mananatili siyang bahagi ng bawat biyaheng may kurot sa puso.