Lima ang sugatan matapos banggain ng isang kotse ang tricycle at sumalpok sa pader sa National Highway, Brgy. 1, San Nicolas, Ilocos Norte, hapon ng Oktubre 13, 2026.
Sa imbestigasyon ng pulisya at kuha ng CCTV, napunta sa kabilang linya ang kotse at nabangga sa tagiliran ang tricycle bago tuluyang sumalpok ang kotse sa pader.
Sugatan sa insidente ang driver ng tricycle at dalawa nitong pasahero, gayundin ang driver at isang pasahero ng kotse na pawang mga babae.
Ayon sa pulisya, galing sa ospital ang kotse nang mangyari ang insidente. Nakaidlip umano ang driver sa pakurbang bahagi ng kalsada, dahilan upang mapunta ito sa kabilang linya.
Agad na isinugod sa ospital ang limang sugatan. Kapwa naman nagtamo ng matinding pinsala ang dalawang sasakyan. (Randy Menor)










