Hindi sapat ang pagbuwag sa Task Force Disiplina ng Quezon City para masabing tapos na ang problema. Ang mas mahalagang tanong: paano matitiyak na hindi na mauulit ang insidenteng naglagay sa panganib sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan?
Epektibo nitong Oktubre 13, tuluyan nang binuwag ng Quezon City government ang Task Force Disiplina. Inatasan ni Mayor Joy Belmonte ang mga miyembro nito na bumalik sa kanilang mother unit na Department of Public Order and Safety (DPOS).
Malinaw ang direktiba: wala nang awtorisadong operasyon o pagroronda sa ilalim ng Task Force Disiplina.
Pero hindi rito dapat magtapos ang usapin.
Ang pagbuwag sa isang yunit ay hindi awtomatikong nangangahulugang nabura na ang mga problemang maaaring nag-ugat sa loob nito. Kung may mga tauhang lumalabag sa batas, dapat managot ang mga ito. Walang puwesto, uniporme o koneksiyon sa pamahalaan ang dapat maging panangga laban sa pananagutan.
Lalong nakababahala ang insidenteng kinasangkutan ng isang 38-anyos na tauhan ng QC Task Force Disiplina na inaresto matapos umanong pagbabarilin ang tatlong magkakaibigan sa Barangay Batasan Hills noong Oktubre 12.
Tatlong buhay ang nalagay sa panganib sa isang insidenteng kinasangkutan ng isang taong inaasahang tutulong sa pagpapanatili ng kaayusan.
Kung mapatutunayan ang mga alegasyon, paano maipapaliwanag na ang isang tauhang dapat nagpapatupad ng disiplina ay siya pang nasasangkot sa ganitong karahasang iniimbestigahan ng mga awtoridad?
Hindi dapat balewalain ang kasong ito. Dapat itong imbestigahan nang patas, mabilis at walang pinoprotektahan.
Tama rin ang hakbang ng Quezon City government na sumailalim sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test ang mga tauhang mananatili sa DPOS. Kailangan ding magsumite ang mga ito ng NBI at police clearance.
Pero sana, hindi lamang ito maging panakip-butas sa isang kontrobersiyang kailangang bigyan ng seryosong pansin.
Dapat may malinaw na pamantayan sa pagkuha at pagpapanatili ng mga tauhan, sapat na pagsasanay, mahigpit na pangangasiwa at mekanismo para mapanagot ang sinumang umaabuso sa kapangyarihan.
Mabuti ring nilinaw ng lokal na pamahalaan na walang baril na iniisyu sa mga miyembro ng Task Force Disiplina at mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas.
Kung ganoon, dapat ding malinaw kung saan nanggaling ang baril na ginamit sa insidenteng iniimbestigahan at kung paano ito nakuha ng suspek, batay sa resulta ng imbestigasyon.
Walang dapat magkunwaring awtoridad. Walang dapat gumamit ng uniporme para manakot. At lalong walang dapat mag-isip na puwede niyang gawin ang anumang gusto niya dahil may kaugnayan siya sa pamahalaan.
Sa huli, hindi uniporme ang sukatan ng disiplina. Hindi titulo ang sukatan ng integridad. At lalong hindi puwesto sa gobyerno ang lisensiya para mang-abuso.











