Arestado ang isang 23-anyos na negosyante matapos umanong lokohin ang isang buyer ng sasakyan sa isinagawang entrapment operation sa Greenhills Shopping Center, San Juan City, noong Oktubre 13.
Ayon sa San Juan City Police, inalok umano ng suspek na kinilala sa alyas na “Lance”, ang biktima ng isang 2015 Honda Civic sa halagang P400,000.
Nagbigay ang buyer ng P220,000 bilang paunang bayad, habang ang natitirang halaga ay babayaran sana kapag naihatid na ang sasakyan.
Sa halip na Honda Civic, isang Toyota Innova ang ipinakita umano ng suspek, at sinabing naibenta na sa ibang tao ang unang sasakyan. Humingi pa umano ito ng karagdagang P170,000, dahilan upang kuwestiyunin ng buyer ang mga dokumento at detalye ng sasakyan.
Nasamsam sa operasyon ang Toyota Innova, mga susi ng sasakyan, mga dokumento, at marked money na ginamit sa entrapment operation.
Sa follow-up investigation, iniugnay rin umano ang suspek sa “rent-tangay” scheme, kung saan hindi naibabalik sa mga may-ari ang mga inuupahang sasakyan sa napagkasunduang panahon.
Nahaharap ang suspek sa kasong estafa o panloloko sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code. Isinailalim siya sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor sa San Juan City. (Ryan Reloban)










