Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pinakansela ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang permit sa pag-aangkat ng 12,480 metriko toneladang bigas mula sa Vietnam matapos makatanggap ng kuwestiyonableng impormasyon tungkol sa kargamento ng barkong MV Tay Son 2.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., iniutos niya sa Bureau of Plant Industry (BPI) na kanselahin ang permit bago pa dumating sa Pilipinas ang barko.
Aniya, dapat ay 25 porsiyentong broken rice ang inaangkat ng importer na Planters Product Inc., pero naiulat na limang porsiyento lamang ang basag na bigas at expired na rin umano ang kontrata nito.
Dumating ang barko sa Davao noong Setyembre 14, pero tumanggi ang kapitan na ipasuri ang kargamento at umalis ito makalipas ang tatlong araw habang pinagpapasyahan ng Bureau of Customs (BOC) ang kaso.
Nahabol ng Philippine Navy ang barko sa karagatan ng Sarangani at dinala sa General Santos City bago iniutos ang pagbabalik nito sa Davao.
Inirekomenda ng Bureau of Plant Industry na ibalik sa Vietnam ang bigas at maaari rin itong kumpiskahin ng BOC at patawan ng kaukulang parusa.
Giit ni Tiu Laurel, ginawa ang pagkansela sa permit upang protektahan ang mga magsasaka at mamimili. Hindi maaaring ibaba sa bansa ang kargamento nang walang balidong import clearance.
Sinabi pa ng kalihim na kinansela ang import permit sa kahilingan na rin ng Planters Product Inc. (PPI). Ito rin ang nag-abiso sa kanya na expire na ang importation contract dahil noong buwan ng Hulyo pa dapat dumating ang bigas. (Ryan Reloban)











