Isang ground lang ang kailangang patunayan para ma-impeach si Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang.
Inihayag ito ng Palasyo kasunod ng pag-atras ng prosekusyon sa tatlong Articles of Impeachment laban kay Duterte.
“Actually, isa lang naman ang kakailanganin kung kinakailangan maipakita na dapat ma-impeach ang Bise Presidente,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Gayunman, nilinaw ni Castro na hindi nakikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon sa legal na estratehiya ng prosekusyon at sa magiging desisyon ng mga senator-judge.
Hindi rin aniya kukuwestiyunin ng Malacañang ang pag-atras sa Articles I, III at IV kung bahagi ito ng legal na estratehiya ng prosekusyon.
Dagdag ni Castro, maaaring sagutin ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya, kabilang ang usapin sa confidential funds, na aniya ay naipaliwanag na sana noon pa at hindi na umabot sa impeachment trial.
Samantala, inihayag ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na malakas lahat ng Articles of Impeachment na inihain nila laban kay Duterte.
“Kaya lang kasi, dahil itong unexplained wealth, ito ‘yung pinaka-mas madaling intindihin, eh,” sabi ni Chua.
“Dahil unang-una, numero. Nakita ng tao, na-shock `yung tao, P818 million, papaano mo nga naman ipaliliwanag agad ’yon?” sabi pa ng mambabatas.
Tumestigo ang forensic financial analyst na si Alexander Cabrera na may P817.8 milyong unexplained wealth umano si Duterte at ang kanyang mister na si Atty. Manases Carpio na hindi nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025.
Binanggit din ni Chua ang P319 milyong remittance mula sa China at Hong Kong na natanggap ng Cale88 Foods Corp., na partly owned ni Carpio at ang business interest ni Duterte, na ipinagbabawal ng Konstitusyon. (Prince Golez/Billy Begas)











