Sa isang panayam, naibahagi ni Joshua Garcia ang hindi niya makakalimutang pakikipagtrabaho sa isang artista.
Nangyari raw ito sa set ng isang teleserye kung saan nagsanib-puwersa ang dalawang network na ang ilang kabuuan ng proyekto ay kinunan pa sa ibang bansa.
May eksena raw doon na mayroon silang pisikalan ng aktor na si Jeremiah Lisbo.
Ang siste, nasapak daw siya noon nang totohanan ng co-star lalo pa’t hindi siya nakailag.
Para rin daw walang warning si Jeremiah nang umatake sa kanya.
Aminado naman siyang ininda niya ang sakit ng suntok ng kaeksena na tumama sa kanyang mukha.
Katunayan, halos napamura raw siya noon at pinagsabihan ang nasabing Star Magic artist.
Namagitan din daw sa kanila noon si Gabbi Garcia dahil feeling nito ay reresbak siya sa aktor na nakapanakit sa kanya.
Pero looking back, na-realize raw niya na marahil ay nadala lang ng intense emotion niya ang co-actor sa kanilang eksena.
Sa ngayon, isa raw si Miah sa mga aktor na close niya sa showbiz.
Hanga rin daw siya sa kabaitan nito.
Sa naturang interview, natanong din siya kung may mga naka-engkuwentro siyang mga baguhan na mahirap katrabaho dahil bopol pagdating sa pag-arte.
Aniya, ayaw raw niyang i-judge ang mga ito kasi noong nagsisimula rin daw naman siya sa showbiz ay hindi rin siya marunong umarte.
Katunayan, sa isang cameo role raw niya noon as a newbie actor ay inabot siya ng 20 takes kaya nasabon siya ng direktor.
Para naman i-improve ang craft, kinarir talaga ni Joshua ang pag-aaral ng ibang techniques ng pag-arte na sa palagay naman niya ay nakatulong sa kanyang karera.
Hinggil naman sa kanyang lovelife, pinakamasaya raw ang estado ng puso niya sa kasalukuyan.
Naniniwala rin siyang hindi kailangangang makumpromiso ang lovelife dahil sa career.
Mas malinaw na rin daw sa kanya ang direksyon na gusto niyang tahakin.
“For as long as alam mo ‘yung ginagawa mo and you are professional pa rin sa craft mo, passion mo pa rin siya,” aniya.
“I mean, I’m in a relationship right now, non-showbiz. Ginagawa ko lang ay 100% sa work ko. And ‘yun na rin ‘yung ginagawa ko kasi bago pa maging kami. So parang kahit ano pang gawin ko diyan sa work ko, hindi naman talaga siya magagalit,” pahabol niya. (Archie Liao)











