
Umani ng papuri at emosyon ang official teaser ng pelikulang “Amir” matapos itong makapagtala ng 4 million views online, ilang oras matapos ilabas. Patuloy pa rin itong pinag-uusapan sa social media.
Hindi lang sa dami ng view umarangkada ang upcoming fantasy-drama film kundi maging sa positibong reaksiyon ng mga netizen na agad na naantig sa kuwento nito.
Official entry ang “Amir” sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong 2026. Tampok dito ang award-winning actors na sina Dennis Trillo at Glaiza de Castro, kasama si Will Ashley, habang ang child star na si Argus Aspiras ang gaganap sa title role na Amir.
Mula ang pelikula sa creative team sa likod ng mga award-winning film na “Firefly” at “Green Bones.” Si Zig Dulay ang direktor, habang sina National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee at multi-awarded writer Anj Atienza ang nagsulat ng screenplay.
Sa teaser pa lang, dama na ang emosyon ng kuwento tungkol sa batang si Amir at kung paano natin maaaring makita ang mundo sa pamamagitan ng mga mata ng isang bata.
Kaya naman, hindi nakapagtatakang maraming netizen ang naantig at nagpahayag agad ng pananabik na mapanood ang pelikula sa darating na Pasko.
“Was speechless. Ang ganda,” komento ng isang netizen.
May isa namang nagsabing hindi nito napigilang maging emosyonal sa napanood.
“Bakit ako naiiyak? Parang may mga alaalang ibinabalik ang trailer na ito.”
“Excited to watch this. Awesome work!”
May netizen din na mataas agad ang inaasahan sa pelikula dahil sa kalidad ng pagkukuwento ng team sa likod ng mga naunang award-winning films.
Hindi rin nakaligtas sa papuri ang production values, cinematography, color grading at sound design ng “Amir.”
“The cinematography is great but the sound design? can you hear it? you know it’s a good movie when they put effort into things people normally overlook,” komento ng isang netizen.
“Teaser pa lang, panalo na! Iba talaga mga gawa ni Zig Dulay tas Dennis Trillo pa ang lead role,” dagdag pa ng isa.
Bukod sa mga pangunahing bida, kasama rin sa powerhouse cast sina Caprice Cayetano, Epy Quizon, Joel Saracho, Ronnie Lazaro, Laila Ulao, Heath Jornales, Yasser Marta, Mad Ramos, Ethan Hariot, Hebron Ecal at Mon Confiado.
Mapapanood ang “Amir” sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 25, bilang isa sa mga opisyal na kalahok sa 52nd Metro Manila Film Festival.











