Bagama’t magdiriwang si Pops Fernandez ng kanyang 40th anniversary sa showbiz, may mga pangarap pa siyang gustong matupad, kabilang na ang isang concert kasama ang Megastar na si Sharon Cuneta.
Hindi pa raw nila nasusubukan ang isang back-to-back show pero naging guest na sila sa kani-kanilang konsiyerto.
“Dream concert with Sharon,” deklara ni Pops nang tanungin kung sino pa ang nais niyang makatrabaho sa industriya.
“I’m happy to perform with her. Isa iyan sa dream ko. Kapag nagawa ko na iyan, pwede na ako, though semi-retired na ako. Iyan matse-check ko na iyan, masasabi ko nang halos lahat talaga eh nakatrabaho ko na,” lahad pa niya.
May espesyal na konek din ang dalawa. “Inaanak ako ni ninang (Helen Gamboa) kaya lahat ng children’s party nagkikita kami,” sey ng singer.
Actually, napag-uusapan na nila ang posibilidad ng pagsasama sa isang concert, hindi pa raw ito napagpapasyahang seryosohin.
“Pero hindi pa masyadong nase-serious. So sana…I always say na in everything in life is possible, there is that possibility,” sambit niya.
“Ate Shawie, ayan na nagpaparinig ako sa iyo,” nakangiting pahayag ni Pops.
Sa kabila ng matagal nang pagkukumpara sa kanila, iginiit ni Pops na hindi niya kailanman itinuring na karibal si Shawie.
Alam niyang madalas silang pagtapatin ng publiko dahil pareho silang namayagpag sa music industry. Mayroon ding iisang manager-discoverer na si Tito (Sotto).
Gayunman, para sa kanya, mas mahalaga ang respeto at pagkakaibigan kaysa sa anumang paghahambing.
Samantala, ipinaliwanag din niya kung bakit ‘Pops’ ang title ng kanyang nalalapit na concert . Gaganapin ito sa Nobyembre 26, 8PM sa Newport Performing Arts Theater.
Ayon sa Concert Queen, pinag-isipan nilang mabuti ang titulo dahil milestone show ito na nagmamarka sa kanyang 40 taon sa showbiz.
“Pinaghirapan namin ang title dahil milestone raw kaya ‘Pops.’ And I figured why not ‘Pops?’” bulalas niya.
“Because ‘Pops’ is a rare name. As a matter of fact, wala naman yatang ibang Pops sa industriya natin, ako lang naman yata. And I want to say that there’s only one Pops, there is only one style Pops. So my style is my style,” aniya pa.
Hindi rin mawawala ang mga sorpresa sa kanyang concert, bagay na matagal nang inaabangan ng mga tagahanga sa tuwing umaakyat siya sa stage.
“Difference ngayon ng concert, siguro ang edad ko,” pabirong sabi niya.
Aniya, nakasanayan na ng publiko na may kakaibang entrance o hindi inaasahang eksena sa kanyang mga show. Kaya naman, pinag-iisipan pa rin niya kung paano mabibigyan ng bagong karanasan ang mga manonood.
Gayunman, may isa pa siyang konseptong nais subukan sa hinaharap, ang mas intimate na concert.
Dahil halos lahat na ng uri ng malalaking production ay naranasan na niya, nais naman niyang tuklasin ang ibang paraan ng pakikipag-ugnayan sa kanyang audience.
“So maybe papunta na ako roon (intimate venue), babaligtarin ko. Kung iyong iba intimate muna bago bigger venue, ako pa-intimate naman ako dahil nagawa ko na naman lahat,” hirit pa niya.
Anyway,bukod sa pagdiriwang ng 40 taon sa industriya, magiging bahagi rin ng concert ang selebrasyon ng ika-60 kaarawan ni Pops sa Disyembre 12.
“I tried to stop before, you know, years back. I slowed down and got off the showbiz rollercoaster, traveled, spent time with family and friends, but I kind of missed it. Hindi ko kaya. I don’t know. I guess, it’s the only life I know,” kuwento niya.
“Believe it or not I still take voice lessons to this day, I continue learning, improving. And it excites me, to learn new things even now,” pahayag pa ni Pops..
Para naman sa nalalapit na show, mas bibigyang-pansin ang pagkakaiba-iba ng mga awitin at ang repertoire kaysa sa sunod-sunod na malalaking production number.
“I’ve done a lot of that before so, now, parang, it’s more about the variety of the numbers, the diversity of the repertoire,” seypa niya.
Si Homer Flores ang musical director, habang si Calvin Neria naman ang concert director . Guests sina Regine Velasquez, Vina Morales, Erik Santos, Helen Gamboa-Sotto, Jay Durias at Martin Nievera.
Handog ang ‘Pops’ ng Echo Jham Entertainment Production, DSL at Nexus Collaboration. Ang tickets para sa ‘Pops’ ay mabibili sa TicketWorld sa www.ticketworld.com.ph. Maaari ring tumawag sa 09324049551 para sa inquiries.Suportado ito ng Philippine Airlines, MWell, GAOC, Sta. Elena at N Organic Nature.











